BREAKING NEWS

Charlene Mae ArkainaMay 13, 20191min590

Beverly Balmoria, AJA Villar

Ang Ibaba Elementary School, isa sa mga tatlong paaralaang ginagamit bilang presinto sa Paete, Laguna ay naglaan ng priority lane para sa mga PWD, senior citizens at mga buntis bagama’t mahaba pa rin ang pila sa kanilang cluster. Ang priority lane ay upang mas mapadali ang kanilang pagboto at hindi na pumila nang matagal at mabilad sa init.

Ganap na ika-lima ng hapon ay patuloy pa rin ang pagpasok ng mga botante sa paaralan. Ayon kay Frederick Dayo, lider ng isang partido sa Paete, maayos ang daloy ng botohan sa Barangay Ibaba. Aniya, dumagsa ang mga botante noong ika-walo ng umaga hanggang ika-siyam ng umaga, ngunit maluwag na ang dalawa sa tatlong cluster precincts sa paaralan.

Inaasahan pa rin na magpapatuloy ay pagdating ng ilan sa mga botante ng barangay hanggang mamayang ika-anim ng gabi.



Charlene Mae ArkainaMay 13, 20192min680

Nico Rastrullo, AJ Villar, Alie Peter Neil Galeon

Dalawang oras bago matapos ang eleksyon patuloy pa rin ang pagdagsa ng mga botante mula sa Bagumbayan Elementary School sa Sta. Cruz, Lagunam gayun din sa apat na barangay sa Calamba poblacion.

Bagama’t mataas ang bilang ng mga botante na patuloy na dumarating para humabol sa pagboto, mapapansin na mas mababa ang bilang ng mga senior citizens, persons with disabilities, at pregnant women na pumiling bumoto ngayong hapon.

Para kay Luzviminda Mendoza, 70, naging madali ang proseso ng kanyang pagboto kahit na alas 4 na ng hapon siya dumating sa presinto. Dagdag niya, mas maganda ang naging daloy ng eleksyon ngayong taon kumpara noong 2016 dahil nabigyan ng prioridad ang mga senior citizens na tulad niya.

Ang Calamba Elementary School ay patuloy pa ring dinadagsa ng mga botante mula sa apat na barangay sa Calamba poblacion.

Nakapagtala ang Parish Pastoral Council for Responsible Voting (PPCRV) ng ilang mga residenteng nawawala ang pangalan sa listahan ng mga botante. Ang mga ito ay pinapapunta sa lokal na opisina ng COMELEC sa Calamba City Hall.

Mayroon din na mga election volunteers na namataang ilegal na namimigay ng mga campaign materials sa labas ng paaralan. Ayon sa PNP, hindi nila ito maaaring aksyunan hangga’t hindi nakakatanggap ng reklamo mula sa COMELEC.

Ayon rin sa Disaster Risk Reduction Management (DRRM) Division Barangay Quick Respose Team, mayroong silang naitalang isang botanteng nahimatay.

Sa kabila ng mga ito, ayon sa COMELEC official at PNP na nagbabantay sa paaralan, mapayapa ang takbo ng eleksyon sa kanilang lugar.

 



Charlene Mae ArkainaMay 13, 20194min620

Rosemarie De Castro at Alie Peter Galeon

LAGUNA, Philippines – Sa pagbubukas ng mga presinto sa mga botante ngayong araw, nanatiling prayoridad ang mga botanteng senior citizen at persons with disabilities (PWDs). Ikinatuwa naman ng nasabing sektor ang serbisyong ito, na bahagi ng resolusyong tugunan ang usapin ng accessibility- isa sa matagal nang suliranin tuwing eleksyon.

Kabilang sa 10,000 inaasahang botante sa Bubukal Elementary School (BES) sa Sta. Cruz, Laguna mula sa mga barangay ng Bubukal, San Juan, at Labuin ay ang mga kababayan nating “persons with special needs.” Sa kabila ng kawalan ng nakatalagang Emergency Accessible Polling Place (EAPP) sa nasabing pampublikong paaralan, prayoridad pa rin ang pag-alalay sa  PWDs, senior citizens, at heavily pregnant women o iyong mga buntis na kabuwanan na dito.

Ang EAPP ay isang silid o bahagi ng gusali sa unang palapag ng voting centers na nakatalaga para sa PWDs at senior citizens, gayon din sa mga buntis upang mapadali ang kanilang pagboto.

Ayon sa principal ng Bubukal ES na is Clea Manalo, wala pang nakatalagang voting area para sa nasabing sektor sapagkat lahat ng mga lokal na botante ay nakatalaga kada barangay. Sa kabila nito, aniya, lahat naman ng presinto ay mayroon priority lanes. Sinigurado rin ng administrasyon ng paaralan na lahat ng presinto ay nasa unang palapag ng gusali, bilang pagsunod sa Section 3 Part II ng Republic Act 10486.

“Yes po [priority ang mga senior citizens] kanina pa pong umaga. Kahit po bagong [dumating lang] basta po senior, sa unahan lang po then kapag po may lumabas sila po ang uunahin,” ani COMELEC poll watcher John Lexter delos Santos,

Para naman sa 73 taong gulang na si Tatay Mamerto Brgy. San Juan, na alas-sais pa lamang ng umaga ay bumotong mag-isa, ay nagpahayag na nahirapan siyang magpunta sa kanyang polling precint.

“Aba oo mas maganda ngayon. Ang mga senior [citizens] ay may area na sa loob at saka maraming nagbabantay sa loob. Kaya nga lang, mas malayo [ang precincts] ngayon, e dati kami’y nasa bukana lang,” ani Tatay Mamerto.

Samantala, sa lokal ng oryentasyon bago ang araw ng eleksyon, hinimok ng COMELEC ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) na makipag-ugnayan sa mga guro sa presinto na magtalaga ng help desk lalo na sa mga breastfeeding na ina.

 

 



Charlene Mae ArkainaMay 13, 20194min1000

Joyce Ann Santos

Nasirang mga VCM

Bandang 1:30 nang hapon, ilang Vote Counting Machine o VCM ang nagkaaberya sa presinto ng Magdalena, Laguna. Mabilis naman itong natugunan, subalit humaba parin ang pila sa presintong ito habang inaayos ang VCM.

Ayon kay Honey Let Jalos, isang poll watcher, nagka-aberya sa mga precinto ng 39-A, 39-B, at 38-A.

Sa simula, kinakain raw ang mga balota ng VCM, pero ito’y naayos noong na-reset na ito. Ang sumunod naman daw na aberya ay ang automatic na pag-shutdown ng VCM dahil ito’y naubusan ng papel.

“Nung nabuksan po ulit is ok na po yung mga balota po na nakain niya ay nandoon naman po … may memory card naman,” sabi ni Jalos.

Mabilis din daw nasolusyunan ang sumunod na aberya, dagdag ni Jalos. “The third time na nagkaroon ng aberya nag shutdown po siya ng biglaanpero nung binuksan naman po ay ok na siya ulit.”

Hindi mahanap na mga pangalan

Samantala, may mga botanteng nahirapan maghanap ng kanilang mga pangalan sa listahan. Ilang botante ang hindi mahanap ang kanilang pangalan sa listahan ng mga botante sa kanilang presinto.

Ayon sa Voter’s Assistance Desk, kung hindi parin mahanap sa kanilang listahan ang mga pangalan, kinakailangang pumunta ang mga botante sa local COMELEC office.

“May mga cases na hindi mahanap yung mga pangalan nila sa presinto na lumalapit dito. Kapag hindi parin nahahanap, pinapapunta namin sa COMELEC, sabi ni Jamelle Solis, isang PPCRV poll watcher.

Ayon naman sa local COMELEC office ng Magdalena, karaniwan na hindi lamang mahanap ng mga botante ang kanilang pangalan sa naka-paskil na voter’s list, o di kaya ay hindi lamang sila aktibong botante ng munisipalidad. May ilang kaso na rin ng mga ganitong pangyayari, ngunit mabilis namang natutugunan at nakakaboto ang mga botante.

Dahilan dito, may mga ilang botante na matapos abisuhang pumunta sa COMELEC ay pinili na lang na hindi bumoto.

 



Charlene Mae ArkainaMay 13, 20192min2370

Jyasmin M. Calub-Bautista

Bandang 2:40 ng hapon nang madeliver na ng COMELEC technician ang bagong vote counting machine o VCM sa Brgy. Putho Tuntungin, Los Banos Laguna, kapalit ng VCM na nagka-aberya kanina.  Ayon kay PPCRV Coordinator Clarisse Anagao, mahigit isang oras din na natigil ang botohan sa isang presinto kanina, matapos umanong mag-overheat ang VCM. Bukod dito, may dalawa o tatlo pang ibang VCM ang nagkaroon ng bahagyang aberya.

Dagdag pa rito, ayon kay PPCRV pollwatcher Irvin Bequillo, may ilang botante ang tila nalito at nahirapang hanapin ang kanilang presinto. Sabi ni Bequillo, kung hindi nakaboto sa nakaraang 2016 presidential election, malamang ay na deactivate ang pangalan ng botante at kailangan itong ipa-reactivate sa COMELEC. Isa-isa namang nilalapitan ng PPCRV pollwatchers ang mga nakapilang botante upang matulungan silang makasiguro na tama ang kanilang presintong pinipilahan.

Sa kabila ng mga aberya at init ng panahon, tuloy tuloy pa rin ang pagdagsa ng mga botante dito tulad na lamang ng 79 anyos na si Juanito Lat na bagamat naka-wheelchair ay patuloy pa rin sa pagboto. Ayon kay Lat, ito ay kanyang karapatan kaya naman hangga’t kaya niya, siya ay boboto.

Ayon sa PCRV, may 5,280 rehistradong botante sa Brgy Putho Tuntungin, at may tinatayang 40-50% voter turnout.

 


Sta.-Rosa-1280x853.jpg

Charlene Mae ArkainaMay 13, 20191min790

Allysa Federio, mula sa ulat ni Samuel Yap

STA. ROSA, LAGUNA – Ilang botante ng Barangay Pooc, Sta. Rosa City, Laguna ang nabigla sa pagkahalo-halo ng kanilang mga pangalan sa presinto ng Jose Zavalla Memorial Elementary School – ang pinakamalaking polling center sa lungsod.

Ayon kay Parish Pastoral Council for Responsible Voting (PPCRV) volunteer Buena Carvajal, hindi mahanap ng ilang residente ang kanilang presinto kaya halos isang daang botante ang umalis sa paaralan dahil sa pagka-inip at pagkadismaya.


Balibago-1280x960.jpg

Charlene Mae ArkainaMay 13, 20191min810

Allysa Federio, mula sa ulat ni Raine Monteposo

STA. ROSA, LAGUNA – Patuloy pa rin ang pagdagsa ng mga botante sa Balibago Elementary School. Mayroong 12 clusters nasabing polling precinct. Mayroon namang 10, 968 na botante ang Brgy. Balibago, Sta. Rosa City.

Naipon ang mga botante sa waiting area dahil limang presinto lamang kada cluster ang nabuksan. Mabusisi rin ang mga miyembro ng electoral board sa daloy ng pila at mayroon pa ring express lane para sa PWD, senior citizens at buntis.

Sa kasalukuyan, wala pa namang nairereport na insidente ng natumba o nahimatay kahit pabago-bago ang klima.

 

 



About us

This is a partnership among different academic and media institutions in Laguna to promote voters education and provide local election coverage. Bantay Halalan Laguna 2019 is a public service initiative of the UPLB College of Development Communication.


CONTACT US

CALL US ANYTIME



Latest on Twitter



Newsletter